DAGUPAN CITY- Nasa normal pa rin ang lebel ng tubig sa Balincaguing River sa bayan ng Mabini, sa kabila ng nararanasang sama ng panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mylene Dariño, Assistant Local Disaster Risk Reduction and Management Officer (LDRRMO) ng Bayan ng Mabini, patuloy ang monitoring ng kanilang tanggapan sa lebel ng tubig sa Balincaguing River.
Aniya, nananatili sa normal ang antas ng tubig at wala pang mga lugar na nalubog sa baha.
Dahil na rin sa pansamantalang paghinto ng pag-ulan, passable o nadaanan pa rin ang lahat ng mga kalsada sa bayan.
Gayunpaman, binanggit niya na may ilang barangay pa ring mahigpit na binabantayan, lalo na’t ang mga ito ay matatagpuan sa mga mabababang lugar na mas madaling bahain.
Patuloy ang pagbabantay ng LDRRMO upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sakaling muling bumuhos ang malakas na ulan.