DAGUPAN CITY- Umabot sa higit 19,000 pamilya sa lalawigan ng Pangasinan ang apektado mula sa bagyong Crising.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office-Pangasinan, ito ay bilang ng mga naitalang lumikas sa evacuation centers at karamihan sa mga ito ay nakabalik na sa kani-kanilang bahay.
Sa kinagandahang palad, aniya, wala naman naitalang kaswalidad o nasaktan dahil sa pag-ulan na naranasan at iba pang kaganapan.
Umabot naman sa P5-million ang pinsala na naitala sa agrikultura sa lalawigan at patuloy pa ang pagpasok ng mga datos sa kanilang ahensya.
Habang sa livestocks naman ay halos P1-million naman ang naitalang pinsala.
At P155-million naman ang naitala sa mga infrastructure.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang kanilang monitoring at pakikipag-ugnayan sa mga Local Government Units para alamin ang kalagayan ng bawat lugar.
Nakapagtala na sila ng mga binahang mga barangay na kabilang sa mga flood-prone areas.
Wala naman umapaw na kailugan dahil umabot lamang ang mga ito sa below-critical level, maliban na lamang sa Marusay River, sa Calasiao na umabot ng 8.5 ft.
Aniya, agad rin sila nakipag-ugnayan sa mga awtoridad sa naturang bayan at ‘manageable’ pa rin ang sitwasyon.
Nakatutok na rin sila sa pamamahagi ng relief operations kung saan isinagawa na nila ito sa bayan ng Umingan, Balungao at Bugallon.
Kasalukuyan pang nakataas sa State of Calamity ang bayan ng Umingan.
Samantala, nakapagtala rin sila ng minor landslide sa Brgy. Malico, San Nicolas dulot ng pag-ulan at nagsagawa na sila ng clearing operations.
Inaabisuhan nila ang mga motorista ng pag-iingat dahil patuloy pa rin nararanasan ang pag-ulan sa nasabing lugar.
Sa kabilang dako, nakataas pa ang gale-warning at inaabisuhan ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot.