Bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Crising, nagsagawa ng clearing operations ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa kahabaan ng Angalacan River Eco-Tourism Road sa Mangaldan, Pangasinan.

Batay sa kautusan ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno, isinagawa ang clearing nitong Biyernes, Hulyo 18, upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorista at residente sa gitna ng banta ng sama ng panahon.

Sakop ng operasyon ang mga barangay ng Pogo, Palua, Nibaliw, at Embarcadero.

Pinutol ng mga tauhan ng MDRRMO ang mga sanga ng puno at nilinis ang mga damuhang humaharang sa mga solar street lights lalo na’t mabilis ang pagtubo ng mga ito tuwing tag-ulan.

Layunin ng hakbang na mapanatiling maliwanag ang kalsada sa gabi at maiwasan ang anumang sakuna.

Ayon sa Angalacan River Task Force, regular itong isinasagawa tuwing panahon ng tag-ulan bilang bahagi ng preemptive measures ng lokal na pamahalaan.

Patuloy namang mino-monitor ng lokal na pamahalaan ang lagay ng panahon at nananawagan sa mga residente na manatiling mapagmatyag at sumubaybay sa mga opisyal na abiso.

--Ads--