DAGUPAN CITY- Pinalakas pa ng Police Regional Office 1 (PRO1) ang kanilang kampanya laban sa obesity sa hanay ng mga kapulisan bilang bahagi ng kanilang tuloy-tuloy na adbokasiya para sa physical fitness at kalusugan.

Matapos matukoy ang bilang ng mga pulis na may labis na timbang, agad na inilunsad ang isang malawakang programa upang mapababa ito.

Ayon kay PBGEN DINDO REGIS REYES, Provincial Director ng PRO1, bagama’t maliit o kaunti lamang ang porsyento ng mga obese na pulis sa rehiyon, hindi ito dapat ipagsawalang-bahala.

--Ads--

Aniya na noong nakaraang linggo, nagsagawa ng pamamahagi ng mga timbangan at tape measure sa bawat istasyon upang masubaybayan ang pagbabago ng timbang ng mga tauhan.

Alinsunod sa mandato ng Republic Act No. 6975 na inamyendahan ng RA 8551, itinuturing na patuloy na kwalipikasyon ng isang pulis ang pagiging physically fit.

Dahil dito, ipinag-utos ni Chief PNP na sa loob ng isang taon ay dapat makitaan ng positibong resulta ang mga personnel na may timbang na lampas sa normal.

Isinasagawa ang mga hakbang tulad ng regular na Zumba sessions tuwing Martes at Huwebes, kung saan inilalaan ang oras mula alas-tres hanggang alas-singko ng hapon para sa physical activities.

Maliban sa Zumba, pinapayagan ding magsagawa ng iba’t ibang sports upang mas mapanatili ang sigla ng katawan.

Iinaanyayahan ni Reyes ang buong kapulisan na makiisa sa programa.

Bagama’t may mga trabahong hindi palaging makasingit sa aktwal na ehersisyo gaya ng mga naka-assign sa loob ng opisina, hinihikayat pa rin silang humanap ng alternatibong paraan upang mapanatili ang kalusugan.

Ipinaalala ng pamunuan ng PRO1 na ang kabiguang mapanatili ang physical fitness ay maaaring maging basehan ng disciplinary action.

Ito aniya ay dahil ang physical fitness ay itinuturing na standard qualification para sa pagiging miyembro ng kapulisan.

Sa patuloy na pagpapaigting ng mga programang pangkalusugan, layunin ng PRO1 na mas mapalakas pa hindi lamang ang pangangatawan kundi pati na rin ang disiplina at kahandaan ng bawat alagad ng batas sa kanilang tungkulin.