Dagupan City – Nagpaalala ang Provincial Veterinary Office (PVO) dito sa lalawigan sa mga may alagang hayop na maging responsable ngayong may nararanasang masamang panahon.

Ayon kay Dr. Arcely Robeniol ang head ng nasabing opisina na maraming sakit ang maaaring makuha ng mga hayop dahil sa masamang panahon at posibleng lumala pa ito dahil sa mga kalamidad gaya ng pagbaha.

Paliwanag niya, madalas maaapektuhan ang mga alagang hayop tuwing may kalamidad dahil naiiwan sa bahay, napabayaan sa bukid, o natatangay ng baha.

--Ads--

Inirerekomenda ng opisina na ilagay ang mga alagang hayop sa ligtas na lugar gaya ng mataas na pwesto para hindi matangay ng baha, sa komportableng kapaligiran kapag malakas ang ulan at dapat bigyan ng sapat na pagkain at tubig.

Mahalaga ring iwasan na mabasa o mababad sa tubig ang mga alaga upang hindi magkasakit o mamatay.

Nanawagan ang PVO sa publiko na maging alerto at responsable sa pangangalaga ng kanilang mga alagang hayop, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan at bagyo.