Dagupan City – ‎Patuloy ang paalala ng Department of Health o DOH sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na iwasan ang paggamit ng vape dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan.

Sa rehiyon ng Ilocos, mas pinaiigting ang kampanya kontra vaping sa mga estudyante. Katuwang ng DOH dito ang Commission on Higher Education – Region 1, Department of Education – Region 1, at Philippine College of Chest Physicians Northwestern Luzon Chapter.

Layon ng kampanyang ito na bigyang-kaalaman ang mga kabataan tungkol sa mga panganib na dulot ng paninigarilyo at paggamit ng vape, upang maprotektahan sila mula sa mga sakit na maaaring idulot nito sa hinaharap.

Pormal na pinagtibay ang pagtutulungan ng mga ahensya sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement na magpapalakas sa mga hakbang kontra vaping sa mga paaralan.

Tuloy-tuloy naman ang mga inisyatibo ng DOH kasama ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan, mga paaralan, at mismong mga kabataan para sa layuning maging vape at tobacco-free ang lahat ng paaralan sa bansa.