Idineklara na ng lokal na pamahalaan ng Umingan, Pangasinan ang state of calamity matapos ang naranasang pagragasa ng mataas na tubig sa ilang barangay sa bayan dulot ng matinding pag-ulan dahil sa Bagyong crising.

Ayon kay Umingan Mayor Atty. Chris Evert Tadeo-Leynes na nasa mahigit 20 barangay sa kabuuang 58 barangay ang naapektuhan sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan kung saan karamihan sa mga apektadong lugar ay malapit sa ilog.

Sinabi pa ni Mayor Tadeo-Leynes na personal nilang tinignan ang sitwasyon kasama ang mga opisyal ng bayan, MDRRMO, at Engineering Office kung saan napag-alaman na ang pag-apaw ng dam at ang matinding pag-ulan ang pangunahing dahilan ng pagbaha.

--Ads--

Samantala, isang emergency session ang tinawag ni Vice Mayor Emil Tristan Trinidad sa kanyang mga konsehal kasama ang alkalde upang pormal na ideklara ang state of calamity sa bayan.

Layunin nito na mapabilis ang pagtugon ng lokal na pamahalaan sa pangangailangan ng mga apektadong residente, kabilang na ang pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga nasirang ari-arian.

Umabot kasi sa hanggang tuhod, beywang at dibdib ang taas ng tubig sa ilang barangay na nakadepende sa kalapitan nito sa ilog habang may iba naman na nastranded sa daanan dahil sa lakas ng ragasa nito ngunit sa kabutihang palad ay wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa pangyayari.

Samantala, hindi aniya normal sa kanilang bayan ang ganitong sitwasyon kong saan matagal na umano ang huling bagyo na nakaranas sila nito dahil mataas naman ang bayan ng umingan ngunit kung talagang malakas ang dalang ulan ay maaring mabaha ito lalo kapag umapaw ang mga ilog at dam sa bayan.

Samantala,nagpapatuloy naman ang paghahanda ng lokal na pamahalaan katuwang ang lokal na pamahalaan at iba pang opisina sa bayan sa posible pang maranasan lalo nat nararanasan parin ang pag-ulan.