Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng lokal na pamahalaan sa landslide-prone area ng Villaverde Road, kasabay ng panawagan sa mga motorista na iwasan muna ang nasabing kalsada at dumaan na lamang sa Umingao-Lupao Road bilang alternatibong ruta.

Ayon kay Shallom Gideon Balolong – MDRRM Officer, San Nicolas itinaas sa Blue Alert Status ang bayan ng San Nicolas simula pa kagabi kahapon, kasunod ng pagpasok ng bagyong Crising.

Bilang bahagi ng paghahanda, agad na nagsuspinde ng klase ang lokal na pamahalaan hanggang high school level, at pinalawig pa ito sa buong araw para isama ang senior high school, matapos maramdaman ang epekto ng masamang panahon bandang hapon.

--Ads--

Ayon sa tanggapan, mula pa noong buwan ng Mayo at Hunyo ay sinimulan na nilang i-restock ang mga relief goods upang agad na makapagbigay ng tulong sa mga maaapektuhan, sakaling kailanganin.

Nakahanda rin ang mga team para sa anumang pre-emptive evacuation kung sakaling tumaas ang lebel ng tubig o magkaroon ng pagbaha.

Sa ngayon ay binabantayan ang Villaverde Road at iba pang pangunahing ilog sa lugar.

Pinaalalahanan naman ni Balolong muli ang publiko na iwasan ang nasabing daanan dahil sa peligro ng landslide lalo na kapag patuloy ang ulan.

Handa rin naman ang kanilang response workforce na magpatrulya at rumesponde sa anumang sitwasyon, at nakatuon ang pansin sa seguridad ng mga residente habang nananatili sa ilalim ng masamang panahon.