Mga kabombo! Anong klase ng mga tourist spot ang hanap mo?
Baka pasok sa iyo itong kakaibang bato na ilang libong taon na?
Tila instant Tourist spot kasi ang isang higanteng bato na tinatayang sampung libong taon na ang edad ang matatagpuan sa loob ng isang supermarket sa Haabneeme, Estonia.
Ayon sa ulat, dinarayo umano ito ng mga turista dahil idineklara itong eligible for conservation status.
Nakilala ito noong Setyembre 2014 habang isinasagawa ang paghuhukay para sa pundasyon ng itatayong Viimsi Shopping Center.
Pag-amin ng mga developer, plano na sana itong alisin at pasabugin dahil sagabal ito sa kanilang konstruksyon, ngunit tumutol ang mga residente.
Hanggang sa kinumpirma ng geologists na ang naturang bato ay isang “erratic boulder”, isang geological remnants pa mula noong Ice Age na dapat na isailalim sa proteksiyon ng batas.
Kung kaya’t napilitan ang mga developer na baguhin ang disenyo ng gusali.
Sa halip na sirain, itinayo ang istruktura sa paligid ng bato, na naging dahilan upang ito ay maging permanenteng bahagi ng supermarket.
Sa kasalukuyan, ang sinaunang bato ay nagsisilbing isang natatanging atraksiyon sa loob ng commercial establishment, isang halimbawa na maaaring magsanib ng modern architecture at nature.
Maraming dayuhang turista ang nagtutungo sa supermarket para makita ang higanteng bato.