Natagpuang nakabigti gamit ang lubid ang isang 33-anyos na ina, habang ang kanyang anak na may edad na isang taon at limang buwan ay nakita ring wala nang buhay at tila nasa kalagayan ng pagkalusaw sa isang double-deck na kama sa loob ng kanilang inuupahang kwarto sa Sitio Nangka, Barangay Barrio Luz, lungsod ng Cebu.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Mabolo Police Station, kamakailan lang lumipat sa nasabing lugar ang mag-ina na sinasabing mula sa lungsod ng Bogo.
Nakuha sa loob ng kwarto ang isang identification card na may pangalang Laviña Mendoza na ginamit sa pagtukoy ng pagkakakilanlan ng babae.
Sa panayam ng Bombo News team kay “Jane,” na katabing unit ng inuupahan ng mag-ina, sinabi nitong inakala lamang nilang ang kanilang naamoy na mabaho ay mula sa isang patay na daga.
Dagdag pa niya, hindi nila ito inasahan lalo na’t tahimik lang ang mag-ina at wala silang narinig na anumang kakaibang ingay mula sa kwarto.
Ayon sa ulat, ang anak ng may-ari ng bahay ay nagtungo sa inuupahang kwarto upang ayusin ang koneksyon ng kuryente. Sa kanyang paglapit, agad niyang naamoy ang mabahong amoy mula sa loob ng kwarto.
Tinangka pa nitong kumatok sa pinto ngunit walang sumagot, kaya agad siyang humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.
Sapilitang binuksan ng mga tauhan ng barangay, kasama ang isang konsehal, ang kwarto at doon nila nadiskubre ang batang wala nang buhay at may mga senyales ng pagkalusaw, pati na rin ang ina nito na nakabigti gamit ang lubid na nakatali sa kanyang leeg, sa tapat ng kama.
Inilarawan din ni Brgy. Konsehal Carl Arnoco ang kanilang naging tugon mula sa paghingi ng tulong hanggang sa pagbubukas ng kwarto kung saan nila natagpuan ang mag-ina na wala nang buhay.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pangangalap ng impormasyon ng mga awtoridad upang malaman kung may foul play sa pagkamatay ng mag-ina. | Via Bombo Radyo Cebu