Matagumpay na naisakatuparan ang Memorandum of Agreement (MOA) Signing sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan ng Calasiao at Nspire, Inc. para sa opisyal na paglulunsad ng Digital Managed System sa naturang bayan.
Pinangunahan ito ni Calasiao Mayor Patrick Agustin Caramat kasama ang Nspire, Inc., na target na maging “Digital Heart of Pangasinan” ang bayan ng Calasiao.
Ayon kay Caramat, ang pangakong digitalization ay agad nitong natupad sa loob lamang 3 linggong panunungkulan bilang alkalde, na ipinangako niya sa kanyang inaugural speech.
Aniya, magkakaroon ng mas mabilis at mas organisadong serbisyo sa bawat barangay at opisina upang mas magkaroon din ng epektibong record-keeping mula sa mga simpleng interbyu hanggang sa mahahalagang dokumento ng bawat residente.
Isa din itong malaking hakbang patungo sa digital governance kung saan transparency, efficiency, at accessibility ang pangunahing layunin.
Dagdag pa ng alkalde, walang ilalaan na pondo ang LGU at pinasalamatan nito ang Nspire, Inc. sa kanilang multi-million peso innovative solution na ibinigay na libre sa bayan ng Calasiao.
Ayon naman kay Harold Macapagal, Chief Executive Officer ng Nspire, Inc., sobrang linaw ng vision ni Mayor Caramat lalo na ang layuning ilapit ang serbisyo sa tao.
Aniya, hindi lang ito tungkol sa digital preparedness, kundi kabuuang solusyon para sa mas mabilis at episyenteng pamamahala.
Dagdag pa niya, 5 taon ng napag-iiwanan ang Pilipinas sa teknolohiya at digitalization sa ibamg bansa, kaya’t ang hakbang na ito ay isang malaking pag-unlad para sa mas mabilis na komunikasyon at magiging mas cost-effective pa ito.
Ang Calasiao Digital Managed System ay isang digital platform na magpapahintulot sa mga mamamayan ng Calasiao na makipag-transaksyon, mag-request ng serbisyo, at tumanggap ng impormasyon mula sa lokal na pamahalaan gamit lamang ang kanilang mga smartphone.