DAGUPAN CITY- Isinagawa kahapon ang Turnover of Command Ceremony sa Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa Lingayen, kung saan pormal nang inilipat ang pamumuno mula kay Police Colonel Ricardo M. David, ang outgoing Acting Provincial Director, patungo kay Police Colonel Arbel C. Mercullo, ang bagong Officer-In-Charge.
Ang seremonyang pinangunahan ni Police Brigadier General Dindo R. Reyes, Regional Director ng Police Regional Office 1, ay ginanap bilang bahagi ng regular na pag-ikot ng pamunuan upang higit pang mapalakas ang operasyon at serbisyo ng kapulisan sa rehiyon.
Si PCOL Arbel C. Mercullo, 51 taong gulang, ay may malawak na karanasan sa serbisyo.
Nagsilbi siya bilang Chief of Police sa mga bayan ng Alaminos City, Mangatarem, at Infanta sa Pangasinan.
Bukod pa rito, naglingkod din siya sa Mindanao bilang dating Regional Chief ng Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (CIDG RFU-BARMM).
Ayon kay PCOL Mercullo, kanyang tututukan ang mga magiging prayoridad sa pamumuno bilang Officer-In-Charge ng Pangasinan PPO.
Isa aniya sa mga pangunahing estratehiya niya ay ang pagtutok sa pagpapabilis ng police response time, alinsunod sa direktiba ng Chief PNP na si Police General Nicolas Deloso Torre III na limang minuto ang itinalagang benchmark.
Kasama rin aniya sa kanyang mga plano ang personal na pakikipagpulong sa bawat Chief of Police sa mga lungsod at bayan ng lalawigan upang ma-evaluate ang kani-kanilang kakayahan at matiyak na ito ay naka-align sa pamumuno at direktiba ng Regional Director.
Layunin nito ang magkaroon ng mas pinagtibay na koordinasyon at epektibong pagpapatupad ng mga programa sa buong lalawigan.
Ipinaabot din ni Mercullo ang kanyang kagustuhang paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko, kabilang na ang pagbibigay-diin sa pagsusuot ng reflectorized vest ng mga motorista upang mapababa ang insidente ng aksidente sa lansangan, lalo na sa gabi.
Bilang bagong Provincial Director, ipinahayag ni PCOL Mercullo ang kanyang lubos na dedikasyon sa paglilingkod at hangaring mapabuti pa ang kapayapaan at kaayusan sa Pangasinan.
Kanyang tiniyak na maipagkakaloob ang kinakailangang tulong sa mga komunidad, alinsunod sa mga panawagan ng mamamayan at sa layunin ng PNP na maging tunay na kaagapay ng mga residente sa seguridad at kaayusan.
Sa ilalim ng bagong liderato, inaasahan ang mas istriktong implementasyon ng mga polisiya at mas bukas na ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor sa lalawigan.