Dagupan City – ‎Isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang paglalaan ng pondo para sa pagbili ng bagong fire truck at iba pang kagamitan na magagamit sa panahon ng sakuna at emergency.

Pinangunahan ang pagpupulong ng mga opisyal sa bayan at head ng MDRRMO na naglatag ng mga prayoridad na programa para sa mas matibay na disaster preparedness ng bayan.

Iminungkahi sa pulong ang pagbili ng isang municipal fire truck, mga multi-purpose vehicles, rescue tools, at iba pang disaster response equipment. Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng bayan sa mabilis na pagtugon sa mga emergency at pagbibigay proteksyon sa mga mamamayan.

Dumalo rin sa pulong ang mga punong barangay, kinatawan mula sa civil society at non-government organizations, mga department head, at si Councilor Michael Ervin C. Lomibao.

Inaasahan na maisusumite sa Sangguniang Bayan ang opisyal na rekomendasyon para sa karampatang aksyon at paglalaan ng pondo sa mga susunod na linggo.