Dagupan City – Umaabot sa milyon-milyong piso kada taon ang ginagastos ng lokal na pamahalaan ng Bayambang para sa pagtatapon ng basura sa mga dumpsite.

Dahil dito, isinulong ng LGU ang iba’t ibang waste management programs na layuning bawasan ang dami ng basura at makatipid sa pondo ng bayan.

Malaking bahagi ng taunang badyet ng pamahalaan ang napupunta sa pagkuha at pagtatapon ng basura, na tinatayang umaabot sa daang-libong piso bawat buwan.

--Ads--

Ayon sa LGU, mas makabubuti sana kung ang ganitong halaga ay nailalaan sa mahahalagang proyekto gaya ng mga scholarship, ayuda, serbisyong pangkalusugan, at pag-aayos ng mga kalsada.

Bilang tugon, nagsimula nang magpatayo ang LGU ng mga Material Recovery Facilities (MRF) sa iba’t ibang barangay para sa mas maayos na paghihiwalay ng mga nabubulok, nare-recycle, at hindi nare-recycle na basura.

Itinataguyod din ang paggamit ng compost pits sa mga tahanan, paaralan, at komunidad na may espasyo, upang gawing pataba ang mga basurang organiko.

Kasabay nito, nagpapatupad din ang LGU ng mga information drive at pagsasanay sa barangay level upang ituro sa mga residente ang tamang paraan ng segregation, composting, at recycling.