Ipinamahagi ng Department of Agriculture ang community garden package na nagkakahalaga ng P237,429.50 sa Guesang Farmers Association sa isinagawang flag-raising ceremony Lunes, Hulyo 14, sa Municipal Hall.

Napili ang nasabing asosasyon bilang benepisyaryo ng Community Garden Project sa ilalim ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program o NUPAP. Layunin ng programang ito na isulong ang urban gardening bilang suporta sa food security at karagdagang kabuhayan ng mga mamamayan.

Kabilang sa ipinagkaloob na garden package ang mga binhi ng gulay, organic foliar fertilizer, knapsack sprayer, plastic drum, crates, net mesh, trowel, water sprinkler, shovel, garden rake, peat soil, at seedling trays. Ang mga kagamitang ito ay inaasahang makatutulong sa mas masaganang ani at mas episyenteng pagtatanim sa komunidad.

Ang ceremonial turnover ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at ng Municipal Agriculture Office. Bahagi ito ng mas malawak na hakbang para palakasin ang agrikultura sa loob ng bayan at mabigyang suporta ang mga lokal na magsasaka.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, inaasahang mas mapapalakas pa ang produksyon ng gulay at mapapalawak ang kaalaman ng komunidad sa makabagong pamamaraan ng pagtatanim.

Patuloy namang nangako ang pamahalaan na susuportahan ang mga programang mag-aangat sa sektor ng agrikultura sa mga kanayunan at urban na lugar.