Dagupan City – Nakaalerto na ang Alcala Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa inaasahang masamang panahon ngayong panahon ng tag-ulan.
Ayon kay Reuben Rivera, LDRRMO IV ng nasabing opisina, dalawang pangunahing banta ang kanilang pinagtutuunan ng pansin sa bayan gaya ng pagbaha dulot ng pagtaas ng tubig sa Agno River , at ang malalakas na pag-ulan dulot ng malakas na bagyo.
Nasa kabuuang 21 barangay ang mayroon ang bayan kung saan 12 barangay dito ay malapit sa ilog Agno na maaring maapektuhan kapag tumaas ito.
Kompleto na ang kanilang mga kagamitan pang-rescue, kabilang ang mga rescue boat, chainsaw, mga tali, first aid kits, at mga handang rescue teams para sa agarang pagresponde.
Nagsagawa na rin sila ng mga pagpupulong sa konseho upang mapag-usapan ang mga sistema ng pagtulong sa mga apektadong mamamayan, at nagsagawa rin ng mga refresher courses at trainings para sa kanilang mga tauhan.
Mahalaga aniya ang pakikipagtulungan sa mga stakeholders, kabilang ang MSWDO, mga kinatawan ng San Roque Dam, PNP, BFP, at mga opisyal ng barangay, upang makakalap ng sapat na impormasyon para sa maayos na pagpaplano ng evacuation sa mga lugar na malapit sa ilog at para sa agarang pagtugon sa mga residenteng nangangailangan.
Patuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang partners sa DRRM, kabilang ang mga grocery stores, construction companies, gas stations, at pharmaceutical companies, bilang paghahanda sakaling hindi sapat ang 30% na pondo mula sa gobyerno para sa mga pangangailangan sa pagkain, gamot, at iba pang kagamitan.
Nanawagan ang MDRRMO sa mga residente ng Alcala na manatiling alerto at maging handa sa anumang sakuna.
Pinapaalalahanan din nila ang publiko na sundin ang mga babala at payo ng mga awtoridad upang maiwasan ang anumang kapahamakan.