DAGUPAN CITY- Inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, sa pamumuno ni Governor Ramon V. Guico III, ang Community Assembly Health Campaign at school-based Capacity Building Nutrition Campaign bilang pangunahing bahagi ng pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong Hulyo.
Pormal na sinimulan ang mga aktibidad sa bayan ng Bayambang, katuwang ang Department of Health (DOH) at Provincial Health Office (PHO).
Layunin ng mga kampanyang ito na higit pang paigtingin ang kaalaman at kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan ng wastong nutrisyon, malusog na pamumuhay, at tamang gawi sa kalusugan, lalo na sa mga kabataan sa mga paaralan.
Sa ilalim ng Community Assembly Health Campaign, isinagawa ang mga talakayan, konsultasyong medikal, at aktibidad para sa mga miyembro ng komunidad upang bigyang-diin ang papel ng nutrisyon sa pang-araw-araw na kalusugan ng bawat indibidwal.
Samantala, nakatuon naman ang school-based Capacity Building Nutrition Campaign sa pagsasanay sa mga guro at estudyante tungkol sa tamang pagkain, food safety, at mga programang pangkalusugan sa paaralan.
Inaasahang sa pamamagitan ng mga programang ito ay mas marami pang mamamayan sa lalawigan ang magiging mulat at aktibong kalahok sa pagsusulong ng malusog at produktibong komunidad.