DAGUPAN CITY- Nilalayon ng Provincial Government ng Pangasinan na palawigin at palakasin ang programa ng Balay Silangan Reformation Center upang mas marami pang matulungan na mga drug surrenderers na magbagong-buhay.

Ayon kay Governor Ramon “Monmon” Guico III, nangangailangan sila ng suporta mula sa mga ahensya ng pagpapatupad ng batas, partikular na ang PDEA, upang matiyak na madagdagan pa ng Balay Silangan sa bawat bayan at lungsod sa lalawigan.

Layunin ng administrasyon na mas mapalawak pa ang programa upang makatulong sa mas maraming indibidwal na makawala sa bisyo at mamuhay ng maayos.

--Ads--

Kasabay nito, palalakasin din ang information drive sa mga komunidad upang mas maunawaan ang mga epekto ng iligal na droga at mapatibay ang ugnayan ng barangay at LGU.

Samantala, sa datos ng PDEA Region 1, mayroon nang 12 Balay Silangan Reformation Center sa Pangasinan mula sa kabuuang 52 sa buong Rehiyon Uno.

Umabot naman sa 202 ang mga nagtapos sa programa sa lalawigan, mula sa kabuuang 927 na nagtapos sa buong rehiyon.

Kasalukuyang may 549 na reformists na ngayon ang sumasailalim sa programa, kaya naman umabot na sa 1,476 ang kabuuang bilang ng mga natulungan at tinutulungang magbagong-buhay sa Rehiyon Uno.