DAGUPAN CITY- Hindi na umaasa pa ang Kilusang Mayo Uno sa pangakong agarang pag-review sa regional wages sa loob ng 60-araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jerome Adonis, chairperson ng nasabing grupo, isa lamang ito sa mga pinapangakong nauuwi lamang sa pagpapako at pag-papaasa sa mga manggagawang Pilipino.

Aniya, hanggang sa kasalukuyan kase ay hindi pa naipapasa ang P200 wage increase at maging si Pangulong Marcos ay tinututulan ang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa.

--Ads--

Dahil dito ay hindi na nagkakaroon pa ng maayos na trabaho na may sapat na sahod at pinipili na lamang ng mga Pilipino na mangibang bansa.

Kanilang inaasahan na magdudulot din ito ng pagprotesta ng mga manggagawang Pilipino sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Marcos upang ipanawagan ang hindi makatarungang pasahod sa bansa.

Dagdag pa ni Adonis, nagkaroon man ng P50 wage increase sa National Capital Region (NCR) subalit, may katumbas lamang ito na 5 piraso ng itlog.

Maliban pa riyan, tiniyak man ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mas marami pang umento ng sahod sa mga rehiyon subalit, mas mababa naman ang itataas sa mga probinsya kumpara sa loob ng Metro Manila.

Kaya naman naghain ng petisyon ang kanilang grupo sa Kamara na pinapanawagan ang pantay na wage hike sa loob at labas ng Metro Manila.

Dagdag pa niya, hindi sila titigil sa pagkalampag sa DOLE hanggang sa dinggin sila subalt, aniya, magiging mahirap ito dahil pro-management ang kalihim ng ahensya.