Nahandogan na ng reward at pagkilala sa katapatan sa pagsasauli ng sako-sakong shabu na natagpuan sa karagatan ng western pangasinan ang nasa 57 mangingisda mula sa mga bayan ng Bolinao, Agno at Bani.

Nasa 40 ang mga mangingisda sa Bolinao, 16 sa Agno habang 1 naman sa Bani.

Isinagawa ang kaganapan sa bayan ng Bolinao na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency, kasama ang ilang lokal na opisyal ng mga bayan Provincial Government ng Pangasinan, Barangay officials, kapulisan ng Rehiyon Uno, at iba pang partner agencies.

--Ads--

May tema itong “Pagkilala sa mga Mangingisdang Makabayan”, Matatag na PDEA! sa Bagong Pilipinas, Pamayanan ay Ligtas”.

Nagbigay ang PDEA Region 1 ng mga grocery item na nagkakahalaga ng nasa 10 libong piso na kinabibilangan ng 10 kilong bigas, delata, noodles at iba pa at ang munisipyo ng Bolinao ay nagbigay ng plaque at limang libong piso habang ang Probinsya sa pamumuno ni Governor Ramon “Monmon” Guico III ay nagbigay naman ng 5 libong piso.

Ayon sa mga mangingisda na sina Arman Laulita mula sa Barangay Boboy sa bayan ng agno at Rodel Digano mula sa Barangay Balingasay sa bayan ng Bolinao na malaking tulong na ito sa kanila na magagamit sa pang-araw-araw.

Nasa ilang linggo din nila itong inantay at ngayon ay nakuha na nila dahil sa kanilang ginawang katapatan.

May mga pagkakataon umano na nahinto silang sa pagpapalaot habang inaantay ang reward ngunit dahil sa kahirapan ay pinili din nilang mamalaot para sa pamilya.

Samantala, ikinatuwa naman ni kapitana Dalmacia Ulep sa barangay Balingasay Bolinao ang nakuhang reward ng kanyang nasasakupan kung saan maghahatid ng tuwa sa mga bayaning mangingisda at magsisilbing inspirasyon na gumawa ng mabuti lalo na sa ganitong sitwasyon.

Aniya na mas pinapaigting pa nila ang pagtutok sa illegal na droga lalo na sa maari pang makitang palutang-lutang sa dagat kaya panawagan nito sa mga mangingisda na dapat huwag matakot magsurrender kung may makita muling illegal na droga sa dagat dahil kasama nila ang mga otoridad sa laban na ito.

Sa kabilang banda, pinuri ni Usec Isagani R. Nerez ang Director General ng PDEA dahil hindi nasilaw sa milyon-milyong halaga ng bawat sako ang mga mangingisda bagkus ay isinauli ito sa mga otoridad.

Nagpapasalamat ito na ang mga sako-sakong droga na may bilyong-bilyong halaga ay nakuha ng mga tapat na nmangingisda at hindi napunta sa mga masasamang loob na maari pang maging problema sa hinaharap.

Samantala, bukod dito ay simultaneous din ang kaganapan sa ilan pang lalawigan na may natagpuang illegal na droga gaya ng Ilocos Sur at Ilocos Norte.

Sa kabuuan, umaabot sa 1, 530. 647 kilo o nasa 9.48 billion pesos ang halaga ng mga narecover na shabu sa buong rehiyon uno kung saan matagumpay na din itong nasira o nasunog noong nakaraang Hunyo 25 sa Barangay Cutcut Capas Tarlac.

Panawagan ng otoridad sa publiko na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan upang lalong malaban ang illegal na droga sa bansa para sa kapakanan ng mga kabataan.