Isang insidente ng bullying ang naitala sa Bambang, Nueva Vizcaya matapos kumalat ang video ng ilang kabataang estudyante na sinasampal, sinusuntok, at itinutulak ang kanilang kaklaseng babae sa loob ng Bambang National High School.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Luviminda Cordero, punong-guro ng naturang paaralan, sinabi niyang ipinatawag na nila ang mga estudyanteng sangkot sa insidente upang agad na matugunan ang isyu ngunit hindi sumipot ang ilan sa kanila.

Aniya naganap ang insidente nitong Martes sa Senior High School campus, at kinumpirmang pawang mga Grade 8 student ang sangkot.

--Ads--

Ayon sa paunang ulat, tsismis umano ang naging ugat ng pangyayari kung saan pinaniniwalaang may ipinakalat na kwento ang biktima kaya ito hinarap at sinaktan ng mga kaklase.

Dahil sa insidente, ipapatawag sa paaralan ngayong araw ang mga magulang ng mga sangkot na estudyante upang magsagawa ng pag-uusap at maayos ang usapin.

Mariing kinondena ni Dr. Cordero ang nangyaring pananakit at iginiit na hindi nila kinukunsinti ang ganitong uri ng pag-uugali.

Tiniyak din niyang hindi nila palalampasin ang insidente at ipatutupad ang karampatang aksyon batay sa umiiral na alituntunin ng paaralan at ng Department of Education. // VIA Bombo Radyo Cauayan