Dagupan City – Patuloy na binabantayan ng grupo ng mga magsasaka ang pagpasok ng imported na sibuyas na kontaminado ng E. coli sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So, Presidente ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), sinabi nito na delikado kasi umano ang nasabing kontaminasyon.

Dahil ang E-coli ay nagdudulot ng mga gastrointestinal illnesses gaya ng pagbabawas at lagnat. At sa katunayan, ayon pa sa Department of Health ang sinumang may edad o batang-bata ang tatamaan nito ay maaari pa itong mauwi sa pagkamatay mula sa dehydration.

--Ads--

Samantala, ayon kay So, patuloy din nilang binabantayan ngayon ang presyo ng sibuyas sa merkado dahil sa nangyaring pagtaas nito.

Kung ikukumpara kasi aniya ang presyo ng pulang at puting sibuyas sa Nueva Ecija ay nasa P50–P55 kada kilo habang dito naman sa lalawigan base sa price monitoring sa Mangaldan ang presyo ng pulang sibuyas ay nasa P140 kada kilo habang papalo naman sa P90 ang puting sibuyas.

Dahil dito, isa sa mga nakikita nilang dahilan ay ang problema sa cold storage facilities dahil umakyat ng P10–P15 ang presyong lumalabas mula sa mga ito, na maituturing na maliit na paggalaw sa presyo at hindi pa itinuturing na kritikal.

Sa kabila ng ilang pagtaas sa presyo ng sibuyas, sinabi ni So na nananatiling matatag ang presyo ng mga gulay at hindi ito gaanong tumaas.