DAGUPAN CITY- Sinasamantala ngayon ng mga mangingisda sa Dagupan ang kalmadong karagatan at mahusay na pangingisda matapos ang maulan at mataas na alon sa nakalipas na araw dulot ng bagyo at habagat.

Maaga pa lamang ay pumalaot na ang grupo ni Roque Meneses kung saan pangatlong balik na nila ngayon sa laot upang manguha ng isda sa kanilang inilagay na Payaw.

Ayon kay Vicky Meneses ang asawa nito, na nakakuha ang grupo ng asawa niya ng nasa 32 kilo sa unang palaot, 38 kilo naman ang pangalawa at sana aniya ay mas marami pa makuha sa sumunod nilang paglaot ngayong araw.

--Ads--

Saad nito na noong nakaraang araw ay kakaunti lamang ang isdang nakukuha na sapat lamang upang paghatian ng grupo.

Karamihan sa ngayon na nakukuhang isda ay ang hasa-hasa habang mayroon din namang nakukuhang isda na tinatawag na espada.

Samantala, kung hindi naman aniya makakalaot ang kanyang asawa ay umaangkat na lamang sila ng isda sa kabilang bayan gaya ng San Fabian para ibenta upang kahit papano ay mayroon parin silang mapagkakitaan.

Sa kabilang banda, hindi lahat ng mangingisda ay nakikinabang sa magandang huli dahil ayon kay Marcos Abayan ang Pangulo ng Samahan ng mga Maliliit na Mangingisda BJMP Chapter na kakaunti lamang ang pumalaot ngayon na nasa 5-10% lamang sa kanilang grupo dahil sa nakaraang bagyo bising at ang epekto ng pabago-bagong presyo ng gasolina.

Maganda ang huli sa ngayon dahil sa pagiging kalmado ng karagatan sapagkat kung mataas ang alon ay hindi na sila papayagang magpalaot ngunit minsan ang ibang mangingisda ay matitigas ang ulo na pinili paring pumalaot dala ng kahirapan o walang maipakain sa pamilya.

Bagamat may fuel subsidy na ibinigay ang lokal na pamahalaan ng Dagupan noong nakaraang buwan ay wala na silang natatanggap ngayon kaya nag-aantay pa sila ng tulong pinansyal.

Sa kabila ng mga hamon, inaasahan nilang magiging masagana ang pangingisda sa Agosto at Setyembre.