Isinusulong ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson ang isang panukalang batas na magtatakda ng “designated survivor” isang opisyal ng pamahalaan na awtomatikong hahalili sa pagkapangulo kung sakaling sabay na mawalan ng buhay o kapasidad ang lahat ng mga opisyal sa linya ng presidential succession.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco – Political analyst ang nasabing panukala ay naglalayong tugunan ang isang senaryong itinuturing na “worst-case scenario” sa gobyerno.

Aniya, may basihan ito sa Saligang Batas, na nagbibigay kapangyarihan sa Kongreso na magpasa ng batas para sa mga ganitong natatanging sitwasyon.

--Ads--

Ngunit sa kabila nito, lumitaw ang mga tanong ukol sa timing at urgency ng panukalang batas.

Dahil kung sakali mang mangyari ang ganitong sitwasyon, maaaring magdulot ito ng hindi lamang constitutional crisis kundi isang national crisis.

Subalit kung titingnan ang posibilidad ng ganitong senaryo ay napakababa, at tila hindi ito dapat maging prayoridad sa kasalukuyan.

Sa halip na unahin ang mga panukalang tila ‘hypothetical’ o malabong mangyari, ipinanawagan na bigyang pansin na lamang ang 20 mahahalagang panukalang batas sa legislative road map ng Marcos administration.

Kabilang dito ang mga reporma sa ekonomiya, agrikultura, edukasyon, at kalusugan gayundin ang mga isyung may direktang isyu sa mga mamamayan.

Dagdag pa ni Yusingco na dapat na ipakita ng mga mambabatas kung paano sila nakakakuha ng suporta mula sa taumbayan para sa kanilang mga panukala hindi lamang dami ng batas na naihahain ang basehan kundi ang kalidad at tunay na pangangailangan na tinutugunan ng mga ito.