DAGUPAN CITY- Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Malasiqui Elected- Mayor Alfe Soriano na magtrabaho para sa kanilang bayan matapos itong pormal na maupo sa pwesto noong Hunyo 30.
Sa loob ng unang linggo, agad na inasikaso ang iba’t ibang pangunahing pangangailangan ng bayan, mula sa kalinisan, ayuda, pag-iwas sa pagbaha, hanggang sa mga proyektong pangkalusugan.
Pinaganda at nilinis ang mga pangunahing daan patungong Bayambang at mga ilan pang kalsada, kabilang na ang palengke.
Ayon kay Mayor Soriano, mahalagang maramdaman ng mga mamamayan ang malasakit ng mga lingkod-bayan, lalo na ngayong panahon ng taghirap.
Namigay rin ang lokal na pamahalaan ng tig-5 kilong bigas sa bawat pamilya bilang agarang tulong.
Ginamit na ang pondong nakalaan para sa kanila na hindi na kailangang hintayin pa ang panibagong sakuna bago kumilos.
Itinigil na rin ang operasyon ng quarrying sa pitong barangay, alinsunod sa paghahanda ngayong tag-ulan.
Layon nito na makaiwas sa posibleng pagbaha na dulot ng mga ilegal na gawain sa paligid.
Isinusulong naman ngayon ang pagpapatakbo ng bagong ospital sa bayan.
Sa kasalukuyan ay 24 oras nang bukas ang pasilidad bilang isang clinic, habang inaasahan na sa loob ng dalawang buwan ay makakamit na ang permit upang ito’y tuluyang maging ganap na ospital.
Tinututukan pa rin ng alkalde ang iba pang proyekto kahit kabi-kabila ang mga gawain.
Isa na rito ang housing project na inisyatibo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na inaasahang uumpisahan sa unang linggo ng Agosto.