Umakyat na sa mahigit 100 katao ang kumpirmadong nasawi matapos ang matinding flash floods na tumama sa gitnang bahagi ng Texas noong Biyernes, Hulyo 4.

Hanggang ngayon ay patuloy ang search and rescue operations, ngunit unti-unti nang humihina ang pag-asang may matagpuang mga buhay na nawawala, apat na araw matapos ang sakuna.

Ayon sa mga awtoridad, binaha ang mga bayan sa paligid ng Guadalupe River sa Kerr County bunsod ng walang patid na buhos ng ulan.

--Ads--

Tinatayang nasa 84 na biktima ang naitala sa nasabing county, kabilang ang 56 na matatanda at 28 bata.

Sa ngayon, may 22 matatanda at 10 bata pa ang hindi pa rin nakikilala, ayon sa opisina ng sheriff.

Isa naman sa mga lubos na naapektuhan ay ang Camp Mystic, isang Kristiyanong summer camp para sa mga kabataang babae.

Kumpirmado ng pamunuan ng kampo na 27 batang babae at kawani ng camp ang nasawi kung saan sampung campers at isang camp counsellor ang nananatiling nawawala.