Malayo pang maabot ng San Roque dam ang water spilling level nito bagama’t patuloy ang malalakas at pabugso-bugsong pag-ulan sa lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Tom Valdez Vice President for Corporate Social Responsibility, San Roque Power Corporation tumaas ang water level nito sa 219 meters above sea level subalit 41 meters pa ang aabutin bago magpakawala ng tubig.

Aniya na tumataas ang antas ng tubig ng dam hindi lamang dahil sa ulan, kundi dahil din sa patuloy na release ng tubig mula sa Ambuklao at Binga Dams, na parehong halos mapuno na rin.

--Ads--

Dahil dito, sinasalo ng San Roque Dam ang dagdag na volume ng tubig upang maiwasan ang pagbaha sa upstream areas.

Bagamat posibleng magdulot ito ng pagbaha sa ilang lugar sa downstream ng Agno River, binigyang-diin nito na mahalaga rin ang pag-ulan para sa mga magsasaka at sa long-term water supply.

Kung saan ang tubig na naiipon ngayon ay makatutulong sa produksyon ng pagkain at irigasyon sa susunod na tag-init.

Nilinaw naman niya na ang Agno River, na pangunahing daluyan ng tubig mula sa San Roque, ay dumadaloy sa mga bayan ng San Nicolas, Asingan, Tayug, Sta. Maria, Rosales, Sto. Tomas, Alcala, Bayambang, Bautista, Mangatarem, at Urbiztondo, at sa huli ay lumalabas sa Limahong Channel.

Habang ang mga lugar naman na malapit sa Tuboy River, na nagmumula sa Ampucao, Benguet ay dumadaan sa Binalonan, Urdaneta, Sta. Barbara, Calasiao, at Pantal River na siyang pangunahing sanhi ng pagbaha sa Calasiao, Dagupan, at Sta. Barbara.

Samantala, pinapaalalahanan naman nito ang publiko na manatiling alerto at makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan, lalo na kung may pakakawalang tubig mula sa dam.