Dagupan City – Umangat ang lebel ng tubig sa ilang bahagi ng ilog sa Pangasinan, batay sa pinakahuling Pangasinan River System Monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Sa ulat, itinalang “Above Normal Level” ang tubig sa Marusay River sa Calasiao at Balingcaguing River sa Mabini, na nangangahulugang mas mataas kaysa karaniwan ang lebel ng tubig sa mga nabanggit na lugar.
Samantala, nananatili namang “Below Normal Level” ang tubig sa Sinucalan River sa Sta. Barbara, Agno/Bañaga River sa Bugallon, at Bued/Cayanga River sa San Fabian.
Dahil dito, muling nananawagan ang PDRRMO sa lahat ng mga mamamaya na maging handa at manatiling alerto sa mga posibleng pagbaha lalo na sa mga lugar na may mataas na antas ng tubig.
Pinayuhan din ang publiko na sumunod sa mga babala, abiso, at direktiba ng mga lokal na awtoridad upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa.
Patuloy ang monitoring ng mga river systems sa buong lalawigan upang maagapan ang anumang banta ng sakuna, lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Inaasahan din ang pakikiisa ng mamamayan sa pagbibigay ng tamang impormasyon at maagap na pagresponde sakaling kailanganin.