DAGUPAN CITY- Balanseng dieta laban sa malnutrisyon.
Ito ang pagpapaalala ni Dr. Glenn Soriano, US Doctor at Natural Medicine Advocate, upang maiwasan ang dalawang uri ng malnutrisyon.
Aniya, ang isang tao ay maaaring makaranas ng undernutrition o may pagkukulang sa nutrisyon na nagdudulot naman ng pagkabansot, sobrang kapayatan, o mababang timbang.
Maaari rin aniyang makaranas ng overnutrition o sobra sa nutrisyon na nauuwi sa labis na kataban subalit kulang pa rin sa mahahalagang sustansya.
Sinabi ni Dr. Soriano, maiiwasan ang mga ito kung kakain ng sapat at masustansyang pagkain ang isang tao.
Kabilang na rito ang pagkonsumo ng prutas, gulay, whole, grains, lean proteins, at healthy fats.
Pakatandaan lamang na hindi dapat iisa ang kinakain ng isang tao at gawin itong balanse.
Mahalaga rin aniya ang edukasyon sa isang komunidad upang mabigyan kaalaman ang mga residente, partikular na ang mga magulang.
Sa pamamaraang ito ay mas mabibigyan pansin ng mga ito ang pagkain na ihahain sa kani-kanilang mga anak.
Dagdag pa niya, hindi dapat pinapabayaan ang malnutrisyon dahil maaari itong magdulot ng non-communicable disease dahil sa mahinang resistensya ng katawan.