DAGUPAN CITY- Inirereklamo ng ilang lehitimong vendors sa Mangaldan Public Market ang mga ambulant vendors na patuloy na naglalako ng kanilang paninda sa loob ng pamilihan.

Ayon sa mga lehitimong vendor, labis na nakakaabala ang mga ambulant vendor sa mga dumaraan, lalo na’t dito rin dumadaan ang ilang estudyante.

Bukod dito, naapektuhan rin umano ang kita ng mga lehitimong vendor dahil mas pinipiling bumili ng mga customer sa mga paninda ng mga ilegal na vendor.

--Ads--

Ayon kay Gerardo Ydia, Poso Chief ng Mangaldan, una nang nagsagawa ng panghuhuli ang kanilang ahensya sa mga ambulant vendor at pinatawan ang mga ito ng multa.

Gayunpaman, tila hindi ito ikinabahala ng ilan, dahil kayang-kaya nilang bayaran ang parusa.

Dahil dito, patuloy pa rin ang kanilang pagbebenta kahit lumalabag sa mga itinakdang regulasyon.

Bunsod nito, isinusulong ngayon ang pagpapatibay at mas mahigpit na implementasyon ng isang Municipal Ordinance na naglalayong disiplinahin ang mga ilegal na fish vendor.

Layunin nito na masigurong dumadaan sa tamang proseso ang mga nagtitinda at matiyak ang patas na kalakaran bago payagang makapagtinda sa merkado.