Umiigting ang panawagan ng mga magsasaka na hindi na dapat manatili sa salita lamang ang panukala ng Department of Agriculture (DA) na hulihin ang mga rice traders na nambabarat o bumibili ng palay sa sobrang baba ng presyo.

Ayon kay Argel Cabatbat Chairman ng Magsasaka Partylist, matagal na nilang naririnig ang ganitong babala mula sa pamahalaan, ngunit tila wala pa ring konkretong aksyon o nahuhuling lumalabag.

Bukod dito nais din nilang tanungin kung bakit patuloy na nambabarat ang mga rice traders, na sinasabing siya pa ring may hawak ng merkado kahit bago pa man naisabatas ang Rice Tariffication Law (RTL).

--Ads--

Isa naman sa mga sinusuportahang hakbang ngayon ng mga magsasaka ay ang panukalang pag-amyenda sa RTL, na isinusulong ni House Speaker Martin Romualdez, na layong ibalik sa National Food Authority (NFA) ang kapangyarihang direktang bumili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.

Naniniwala sila na kung magkakaroon ng mas malakas na papel ang NFA, maiiwasan ang sobrang baba ng presyo sa farmgate at matitiyak ang mas makatarungang kita para sa mga nagtatanim.

Sa kabila ng pagtaas ng budget ng Department of Agriculture sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, nanawagan din ito na dagdagan pa ang pondong inilaan, lalo na sa panahon ng climate change, mataas na input costs, at walang katiyakang presyo sa ani.

Saad pa ni Cabatbat na maganda sana ang layunin ng ₱20 kada kilong bigas, pero sana sagot din ang gastos sa produksyon ng ating mga magsasaka.