Arestado ang isang 20 anyos na lalaki matapos ireklamo siya ng mismong ina niya dahil sa pananakot na siya ay papatayin at pananadyak sa kanya sa bayan ng Malasiqui sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay PLT COL. Garry Anthony Casem, Officer in charge ng Malasiqui Police Station, kinilala ang suspek na si Ranilo Domingo Naron Jr., 20 anyos at residente ng Barangay Don Pedro, sa nasabingt bayan.

Sinabi ni Casem na dumulog sa kanilang himpilan ang kanyang ina na si Arlyn Domingo Naron matapos siyang saktan nito nang pinagsabihan na huminto na sa paggamit ng illegal na droga.

--Ads--

Nang hulihin ng mga rumispondeng kapulisan ang suspek ay nakapkapan siya sa bulsa ng kanyang shortpant ng 2 heatsealed transparent plastic sachet ng shabu na may timbang na 0.7 grams at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P4.000 at isang aluminom foil.

Dahil dito ay nadagdagan ang kanyang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Aminado ang ina na hindi kinonsinti ang gawain ng anak dahil ang hinala ay matagal na rin na gumagamit ng ilegal na droga.

Saad din ng ina niya na ang mga gamit nila sa bahay ay unti unting nawawala at pinaniniwalaan na ang napagbentahan ay siyang ginagamit sa pagbili ng illegal na droga.

Dagdag pa rito ay pinaniniwalaan na ang suspek na naimpluwensyahan ng mga kaibigan nito na sangkot din sa ilegal na droga.