DAGUPAN CITY- Tila sinasamantala na ang pagbaba ng presyo ng palay at patuloy na binibili ito sa hindi makatarungang halaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), isang nakakabahalang senyales ang patuloy na pagbaba ng buying price ng palay, lalo na sa mga lugar malapit sa National Capital Region (NCR).

Aniya, sa halip na tumaas ang presyo ng palay matapos ang anihan, kabaligtaran ang nangyayari at bumabagsak ito sa presyong 8 hanggang 12 piso kada kilo.

--Ads--

Aniya, ito ay isang seryosong isyu na maaaring magdulot ng pangamba sa mga magsasaka, lalo na’t ang mga millers ay puno na ang kanilang mga bodega at wala nang mapaglalagyan ng bagong aning palay.

Paliwanag pa niya, hindi rin kayang itaas ng mga mamimili ang buying price ng palay sa higit 16 piso dahil malulugi na rin sila.

Dahil dito, maraming magsasaka ang nagdadalawang-isip kung magpapatuloy pa sila sa pagtatanim, lalo na kung walang katiyakan sa kita.

Nanawagan si Cainglet sa pamahalaan na agarang magbigay ng suporta sa sektor ng agrikultura.