DAGUPAN CITY- Nagpaalala ang Department of Health Region 1 sa pagkain ng balanse upang magkaroon ng tamang nutrisyon at maiwasan ang malnutrisyon at obesity.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leny Calaguas, Nutrtion Coordinator ng nasabing tanggapan, isa na rito ang pag-iwas sa pagkain ng mga matataba at ang palagiang pag-inom ng milktea at iced coffee.

Aniya, mahalagang mabigyan ng pansin ang mga kinakain sa pang-araw araw upang makaiwas sa anumang sakit.

--Ads--

Mapapansin naman sa pisikal na pangangatawan ng isang bata ang mga senyales ng malnutrisyon kung saan maputla at wala itong sigla.

Sa pagsukat din ng braso ay matutukoy ang lebel ng malnutrisyon nito.

At kung nakitaan na ito ng pamamanas sa bahagi ng paa at tiyan, kinakailangan na itong dalhin sa ospital.

Sinabi pa ni Calaguas na ang pagiging mataba ng isang bata ay hindi nangangahulugang malusog ito.

Kaya kinakailangan na ma-adjust ang pagkain nito upang maabot ang tamang pangangatawan.

At kung ito ay napabayaan, maaari silang magkaroon ng non-communicable disease tulad na lamang ng sakit sa puso.

Nabanggit pa niya na ang malnutrisyon ay nag-uumpisa sa anong klaseng gatas ang iniinom ng isang sanggol.

Samantala, mababa man ang bilang ng malnutrisyon sa Pilipinas subalit hindi aniya ito nangangahulugang dapat nang makampante ang bansa.

Kaya nagsasagawa ng mga aktbididad ang kanilang tanggapan upang labanan ang malnutrsiyon.

Inilunsad nila ang programa na “Community Management” kung saan nagkakaroon ng mga trainings at orientations sa mga Nutrition scholars, Volunteers, at Barangay Health Workers.