DAGUPAN CITY- Buong handa ang Office of the Civil Defense (OCD) Region 1 na rumesponde sa mga lugar na nasa ilalim ng sakuna at panganib.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Adreane Pagsolingan, Public Information Officer ng naturang tanggapan, maliban sa kanila ay handa na rin ang kanilang mga tanggapan sa iba’t ibang lugar para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan.

Aniya, pauloy rin ang capacity building ng kanilang mga responder upang masigurado ang kabuoang kahandaan sa oras na kinakailangan na ang kanilang tulong.

--Ads--

Kabilang sa paghahandang ito ay ang mga aktibidad na hinahasa ang kanilang kakayanan.

Handa na rin ang mga bawat bayan sa kani-kanilang evacuation centers kung sakaling mangailangan ng pre-emptive evacuations.

Samantala, sinabi naman ni Pagsolingan na maging ang mga ordinaryong tao ay may kaalaman na sa paghahanda, partikular na ang awtomatikong pagsasagawa ng ‘duck, cover, and hold’ sa tuwing may lindol.

Nagkakaroon din ng improvement sa pagsunod ng mga ito sa panawagan o abiso ng mga lokal na opisyal sa tuwing may bagyo.

Payo naman niya sa publiko na isama sa paghahanda ang pagkakaroon ng Go Bags kung saan laman nito ang mga importanteng kagamitan para sa emerhensiya.

Dagdag naman niya na huwag agad maniwala sa nakikita o nababasa sa social media at ugaliing mag fact checking, lalo na kung patungkol ito sa sakuna at panganib.

Sa kabilang dako, nagsagawa naman ang kanilang tanggapan ng paggunita ng 37th National Resilience Month, kung saan ginanap ang kick-off program sa Vigan, Ilocos Sur.