Nasawi ang isang pulis sa Carmona Component City Police Station, sa lungsod ng Imus, Cavite matapos itong mabaril ng isang suspek na kakalaya lamang sa loob ng kanilang himpilan.
Ayon kay Pol.Maj. Robert Dimapilis, Officer-in-charge ng nasabinh himpilan, kinilala ang suspek bilang si Alyas “AL” na siyang kakalaya lamang mula sa Iwahig Prison and Penal Farm noong Hunyo 28 matapos maharap sa kasong homicide.
Bago mangyari ang insidente, dinala ang suspek sa kanilang himpilan matapos ireklamo sa di umanoy pag-trespass nito.
Gayunpaman, hindi na tinuloy pa ng nagrereklamo ang pagsampa ng kaso at nanatili na lamang sa himpilan ang suspek para sa dokumentasyon.
Sa kalagitnaan ng proseso, biglang inagaw ng suspek ang service firearm ng isang pulis at agad na nagpaputok.
Kaniyang tinamaan ang naturang pulis kung saan nagtamo ito ng sugat sa dalawang bala.
Sugatan din ang isang rumespondeng opisyal matapos matamaan sa kaniyang kaliwang binti.
Nabaril din ng mga rumespondent pulis ang suspek at nagtamo ito ng maraming tama ng bala.
Agad din naman tinakbo sa pagamutan ang mga sugatan subalit, idineklarang dead on arrival ang isang pulis.
Patuloy naman nagpapagaling ang suspek at maging ang sugatan na mga rumespondeng opisyal.