DAGUPAN CITY- Luma na at kailangan na umanong baguhin ang Republic Act 6727 o ang Wage Rationalization Act upang mabigyan na ng makatarungang sahod ang mga manggagawa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eli San Fernando, Kamanggagawa party-list, kailangan na itong ma-review dahil hindi na sumasapat sa pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino ang itinataas sa kanilang sahod.
Giit niya na panahon nang buwagin ang Wage boards at magkaroon na ng mas pinalakas na National Wage Commission upang hindi na ‘regionalized’ ang pagtakda sa pagtaas ng sahod.
Ang kasalukuyang pasahod kase ay hindi na nakakasabay sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin, lalo na sa mga probinsya.
Samantala, positibong tinatanggap ng kanilang grupo ang paghain ng ilang mga senador ng legislated wage increase.
At umaasa sila na magkasundo ang Kamara at Senado sa ipapasang pagtaas ng sahod at hindi na ito harangin pa.
Hindi naman nagpatumpik-tumpik pa ang Kamanggagawa Party-list at agad kumilos sa pagsisimula ng 20th Congress upang isulong ang karapatan ng mga manggagawang Pilipino.
Sinabi ni San Fernando, kabilang sa kanilang mga inihain ay ang pag-amyenda sa labor code, magna carta for Barangay Health Workers, at ang legislated wage increase.