DAGUPAN CITY- Hindi pa rin natutugunan ang problema ng Pilipinas pagdating sa basura at taon-taon pa itong lumalala.
Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng Ecowaste Coalition, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, palala na ng palala ang problemang ito dahil sa basurang plastic kung saan pumapalo sa milyon-milyon ang naitatala kada araw.
Aniya, nagdudulot ang mga plastic ng sakit sa mga tao dahil kalat-kalat lamang ito at hindi itinatapon sa tamang basurahan.
Kapag ito naman ay sinusunog, magdudulot pa ito ng sakit sa respiratory ng isang tao.
Maliban sa mga tao, nakakaapekto rin ito sa wildlife, lalo na sa karagatan, dahil karamihan sa mga ito ay bumabara sa daluyan ng tubig at dumederetso sa karagatan.
Kaya ani Lucero, napakahalaga ng tamang pangangalaga sa kapaligiran, tulad na lamang ng tamang segregation, dahil labis naman nararamdaman ang masamang epekto ng mga basura tuwing humahagupit ang kalikasan.
Subalit, tila hindi naman nagiging ‘top priority’ ang solid waste management kaya hanggang sa ngayon ay nakabinbin pa rin ang mga kaugnay na batas.
Kinakahangaan naman niya ang mga Local Government Unit (LGU) na may mga ordinansang namamahala sa kalat.
Minumungkahi naman niya ang bawat barangay sa bansa na magkaroon ng kani-kanilang ordinansa na magpapadali sa mga residente sa tamang pagtatapon ng basura.
Samantala, sinabi rin ni Lucero na ginugunita ng buong mundo ang ‘plastic-free July’ ng magkaroon ng isang buwan pagpapaalala sa pag-iwas ng paggamit ng plastic para matugunan ang paparating pa na problema sa basura.