Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na mataas ang posibilidad na maging isang tropical depression sa loob ng 24 oras ang low pressure area (LPA) na namataan sa silangang bahagi ng Casiguran, Aurora.
Ayon sa ulat ng state weather bureau, inaasahang magiging ganap na bagyo ang nasabing sistema at maaaring makaapekto sa hilagang bahagi ng Luzon.
Kasalukuyan na rin nitong dinadala ang makapal na kaulapan at katamtamang pag-ulan sa mga lalawigan ng Isabela, Quirino, Quezon, at Aurora.
Kapag tuluyang lumakas at naging bagyo ang LPA, agad na itataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga silangang bahagi ng Northern Luzon, partikular sa mga probinsya ng Isabela at Cagayan.
Hindi rin isinasantabi ng PAGASA ang posibilidad na tumama ito sa kalupaan, lalo na sa Cagayan.
Samantala, patuloy namang nakararanas ng maulap na panahon at pag-ulan ang ilang bahagi ng Luzon at Visayas dulot ng umiiral na habagat o southwest monsoon.