Ipinahayag ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos na pumayag na ang Israel sa mga “kinakailangang kondisyon” upang maisakatuparan ang isang 60-araw na tigil-putukan sa Gaza, sa gitna ng nagpapatuloy na hidwaan sa pagitan ng Israel at Hamas.

Sa kanyang pahayag sa Truth Social, sinabi ni Trump na habang pinaiiral ang panukalang kasunduan, makikipagtulungan ang Amerika sa lahat ng panig upang wakasan ang digmaan.

Gayunman, hindi niya idinetalye ang mga partikular na kondisyon ng nasabing kasunduan.

--Ads--

Ayon pa sa kanya, ang Qatar at Egypt, na matagal nang tagapamagitan sa kaguluhan, ang siyang maghahatid ng pinal na panukala sa Hamas.

Matatandaang sinimulan ng Israel ang kanilang opensibang militar sa Gaza matapos ang pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023, na ikinasawi ng humigit-kumulang 1,200 katao sa panig ng Israel.

Sa kabilang banda, iniulat ng health ministry ng Gaza na pinamumunuan ng Hamas na higit sa 56,000 katao na ang nasawi mula noon.

Sa ngayon hindi pa malinaw kung tatanggapin ng Hamas ang mga kondisyon ng tigil-putukan.