DAGUPAN CITY- Tulad ng karamihan sa mga kabataan, ilang sa mga pagsubok na kinakaharap ng mga mag-aaral sa Malasiqui National High School pagkatapos ng Senior High School ay ang pagpasok sa kolehiyo o ang paghahanap ng trabaho.
Ayon kay Asst. School Principal Norman Lavarias, sa kanilang mga nakalap na datos mula sa alumni at naunang mga batch na karamihan sa mga ito ay tumuloy sa kolehiyo matapos ang SHS, habang ang ilan naman ay tumigil sa pag-aaral.
May ilan ding agad na nagtrabaho, at may mga kaso ng maagang pag-aasawa at pagkakaroon ng pamilya, na itinuturing ng paaralan bilang mga isolated case.
Aniya na pinagsisikapan ng pamunuan na ihanda ang mga mag-aaral hindi lamang para sa kolehiyo kundi pati na rin sa mundo ng trabaho, sa pamamagitan ng mga strand na Electrical Installation and Maintenance (EIM), Accountancy, Business and Management (ABM), Humanities and Social Sciences (HUMSS), at Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM).
Samantala, patuloy ang pagkakaroon ng extracurricular activities taon-taon sa nasabing paaralan na isinasagawa sa bakanteng oras sa ilalim ng gabay ng mga guro o coach.
Tiniyak ng paaralan na hindi ito nakakaapekto sa pokus ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral.
Dagdag pa niya na patuloy ding isinusulong ng pamunuan ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon.
Pinapayapa rin ang loob ng mga magulang dahil mahigpit na ipinapatupad ang mga alituntunin laban sa bullying, at hindi ito kinukunsinti sa loob ng paaralan.