Nilinaw ng Department of Justice na mayroon ng susunod na ipapaaresto ang International Criminal Court kasunod ng pagkakadakip kay dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, wala pang napapaulat sa kanila ang ICC kung sino ang maaring ipaaaresto ng International Tribunal.
Ito’y buhat ng siya’y matanong patungkol sa kung sinong personalidad ang posibleng ipaaresto at dalhin sa The Hague, Netherlands kaugnay sa kasong kinakaharap ng dating Pangulo.
Nauna nang tiniyak ng kalihim na ipagpapatuloy nila ang pakikipag-ugnayan sa International Criminal Court.
Kung saan hindi raw hihinto ang kordinasyon ng Department of Justice sa naturang korte sa mga posible pa nitong hilingin sa kanilang kagawaran.
Dito na niya iginiit na kung mayroon mang kailangan gawin, ay agad itong isasakatuparan sa kanilang pakikipagtulungan sa International Crminal Court.
Gayunpaman, paglilinaw ni Remulla, ang kordinasyon sa pagitan ng kagawaran at International Criminal Court ay bunga lamang ng kanilang pakikipagtulungan at walang pormal na dokumento o opsiyal na papeles na kailangang ipatupad sa pakikipag-ugnayan nila sa naturang International Tribunal.
Nangangahulugan na hindi babalik ang bansa sa pagiging miyembro nito ng Rome Statute sa International Criminal Court.