Pormal nang nanumpa ang mga bagong halal na opisyal sa bayan ng Umingan ngayong araw.
Ito ay bilang tanda ng kanilang pagtanggap sa tungkuling kanilang gagampanan dahil sila mismo ay pinili at iniloklok ng taumbayan sa kanilang posisyon.
Ginanap ito sa Umingan Public Auditorium na dinaluhan ng bisita gaya ng mga barangay officials, empleyado ng munisipyo, kawani ng ilang ahenysa, pamilya at kaibigan ng mga manunumpang opisyal at iba pa.
Itinaas na ang kamay at nanumpa ang bagong alkalde sa bayan ng Umingan na si Atty. Chris Evert B. Tadeo-Leynes gayundin si Vice Mayor-Elect Emil Tristan Trinidad at 8 konsehal na bubuo sa Sangguniang bayan.
Matapos ang panunumpa ay naghatid ang bawat isa ng mga talumpati at mensahe ng pasasalamat lalo na sa mga tumulong sa kanilang naging kampanya sa nakalipas na eleksyon.
Sa mensahe ni Mayor-Elect Atty. Tadeo-Leynes pinunto nito ang kanyang mga gagawin at aasahan ng taong bayan na kanyang tututukan sa pagiging punong bayan.
Aniya na bibigyan nito ng prayoridad ang mga programa tungkol sa edukasyon, kalusugan, agrikultura at imprastraktura.
Saad pa nito na kapag mauupo na ito sa pwesto ay kanyang aayusin at lilinisin ang sistema ng munisipyo lalo na sa mga empleyado dahil hindi aniya nito papayagan ang mga korap at mapang-abusong nagtatrabaho sa gobyerno.
Pinangako nito na tataasan ang compensation sa mga Job Orders na nagtatrabaho ng maayos at marangal sa kanilang bayan.
Bukod dito, magpapatupad aniya sila kasama ang sangguniang bayan members sa pagawa ng istriktong pagimplementa ng mga batas at ordinansa patungkol sa mga poultry at piggery dahil nais niyang hindi maisaalang-alang ang kalusugan ng residente maging ang kalikasan.
Samantala, panawagan nito sa mga kapulisan na ipagpatuloy ang kanilang trabaho at resolbahin ang problema sa droga, rape cases at iba pang krimen.
Pinakiusapan din nito ang ilang barangay officials na panahon na ng pagkakaisa at kalimutan ang politika para maisakatuparan ang mga pangarap ng kanyang administrasyon upang mapabuti ang bayang Umingan.