Hindi basta-basta makukulong ang isang lulong sa droga kung magpapa-voluntary rehab ito.
Ayon kay Atty. Joey Tamayo – Co Anchor, Duralex Sedlex ang drug rehabilitation (o rehab) ay isang proseso ng paggamot na layuning tulungan ang isang tao na makalaya sa pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot o ilegal na substance, at makabalik sa normal at produktibong pamumuhay.
Aniya na dito ay ibinibigay ang tama at maayos na treatment na naaayon sa mga drug users.
Nakapaloob sa proseso ng paggamot ay ang detoxification o ang pagtanggal ng droga sa katawan.
Kabilang din dito ang counseling at therapy, life skills training at after care.
Subalit hindi lahat ng mga drug user ay maaaring sumailalim kaagad sa drug rehab kung may kinakaharap itong kaso.
Ani Atty. Tamayo na kailangan niya munang patapusin ang kasong kinakaharap hanggang sa mapawalang sala.
Samantala, mula naman sa statistics ng kapulisan ay malinaw na malaki sa bilang ng mga gumagamit ng droga ay may kaugnayan din sa iba’t ibang krimen.
Kaya’t paalala nito sa mga magulang na mainam na bantayan ang kanilang mga anak at kapamilya at kapag may impormasyon hinggil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay ipagbigay alam agad sa kinauukulan.