Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso ng pagkamatay ng isang 23-anyos na dalagita sa brgy pugaro dito sa lungsod ng dagupan noong araw ng martes kung saan natagpuang wala nang buhay makalipas ang tinatayang 8 hanggang 10 oras mula nang huli itong mamataan.
Ayon sa Dagupan City Chief na si Pltcol Brendon Palisoc, sa inisyal na pagsusuri, nagtamo ng mga sugat at pasa ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tinitingnan din ng pulisya kung may indikasyon ng panggagahasa bago ito tuluyang nasawi.
Sa ngayon, inaantay pa ang opisyal na resulta ng autopsy upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkakamatay.
May ilang “persons of interest” na kinikilala na ng mga imbestigador, subalit hindi pa inilalantad ang kanilang pagkakakilanlan habang patuloy ang pagtitipon ng ebidensya.
Umaasa rin ang mga awtoridad na makakahanap ng CCTV footage na maaaring magpakita kung saan huling namataan ang biktima bagay na posibleng makatulong nang malaki sa paggulong ng kaso.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na tiyaking ligtas ang kapaligiran, kahit nasa loob ng sariling tahanan, upang makaiwas sa anumang uri ng karahasan.
Tiniyak naman ng pulisya na kanilang ginagawa ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maresolba ang kaso at maipagkaloob ang nararapat na katarungan para sa pamilya ng biktima.