Dagupan City – Tiniyak ni Calasiao Mayor-elect Patrick Caramat, 26-anyos – ang pinakabatang alkalde sa lalawigan ng Pangasinan, na mananatili sa puwesto ang mga kasalukuyang department heads sa bayan ng Calasiao.

Sa panayam, sinabi ni Caramat na isa sa kanyang pangunahing layunin ang continuity of service sa pamahalaang bayan. Kaugnay nito, nakipagpulong na umano siya sa mga pinuno ng iba’t ibang departamento upang tiyakin ang maayos na transisyon ng pamumuno.

Aniya, alam na nila ang kanilang mga trabaho, at nakita nito ang potensyal nila. Kaya hindi na kailangan pang baguhin. Hinayaan na rin niya na sila mismo ang pumili ng sarili nilang makakatrabaho.

--Ads--

Dagdag pa ni Caramat, ang tanging hiling niya sa mga opisyal ay maramdaman ng taumbayan ang serbisyo sa pamamagitan ng konkretong resulta ng kanilang mga gawain.

Isa sa mga prayoridad ng bagong administrasyon ay ang pagpapalakas ng sektor ng seguridad at edukasyon sa bayan. Bukod dito, inumpisahan na rin ng kanyang team ang pag-aaral sa posibleng solusyon sa problema ng pagbaha na matagal nang suliranin ng ilang barangay sa Calasiao.