Ilang magsasaka sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan ang nagdurusa ngayon matapos masira ang kanilang mga binhing isinabog-tanim bunsod ng hindi inaasahang masamang panahon.
Ayon sa ulat ng lokal na agrikultura, naapektuhan ng pabago-bagong klima at panaka-nakang buhos ng ulan ang ilang bahagi ng kanilang taniman. Ang mga binhi na kakasabog pa lamang ay nalunod sa tubig o hindi na tumubo ng maayos, dahilan upang masayang ang puhunan ng mga magsasaka.
Karaniwan sa mga magsasaka sa lugar ay gumagamit ng sabog-tanim na paraan ng pagtatanim, kung saan direktang ikinakalat ang binhi sa bukid. Bagamat mas mabilis at mas matipid sa oras, mas mataas ang panganib na masira ang binhi lalo na kung hindi tama ang panahon ng pag-uulan.
Dahil dito, nangangamba ang mga magsasaka na maantala ang kanilang produksyon at ani ngayong cropping season. May ilan na ring nagsisimulang muling bumili ng binhi at muling magtanim, dagdag gastos na hindi inaasahan.
Pinag-aaralan na ngayon ng lokal na pamahalaan kung paano mabibigyan ng suporta ang mga apektadong magsasaka, kabilang na ang posibilidad ng ayuda o pautang upang makabawi mula sa pinsala.
Patuloy namang pinapaalalahanan ang mga magsasaka na ugaliing kumonsulta sa weather updates at alamin ang tamang timing ng pagtatanim upang maiwasan ang ganitong sitwasyon.