Dagupan City – ‎Bilang bahagi ng kampanya para sa mas ligtas na lansangan, isinailalim ng Land Transportation Office (LTO) sa road safety training ang mga tsuper na bumibiyahe sa iba’t ibang lalawigan ng Rehiyon Uno.

Layon ng programa na paigtingin ang kaalaman ng mga driver sa mga alituntunin sa kalsada, tamang asal sa pagmamaneho, at mga batas trapiko upang maiwasan ang aksidente at masigurong ligtas ang mga pasahero’t pedestrian.

Saklaw ng pagsasanay ang tamang paggamit ng seatbelt, pag-iwas sa distracted driving, kahalagahan ng defensive driving, at mga paalala sa responsableng pagmamaneho lalo na sa mga abalang lansangan sa lungsod at kabundukan ng rehiyon.

Ilan sa mga dumalo ay mga tsuper ng pampasaherong jeep, bus, at van na regular na bumibiyahe sa Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, at Ilocos Norte.

Ayon sa LTO, regular na isinasagawa ang ganitong uri ng pagsasanay sa rehiyon bilang hakbang para maitaas ang antas ng disiplina sa kalsada, at mapababa ang bilang ng aksidente na may kinalaman sa mga public utility vehicles.