DAGUPAN CITY- Hindi man matutukoy ang eksaktong araw o oras na pagtama ng isang lindol, hindi naman nawawala sa mga aktibidad ng Office of the Civil Defense (OCD) ang paghahanda para dito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Adreanne Pagsolingan, Public Information Officer ng OCD Region 1, ang kanilang ahensya ay nagsasagawa ng quarterly earthquake drill kada taon kung saan hinihikayat nila ang bawat mamamayan ng bansa na makiisa.

Kabilang sa mga drills na ito ang pagsasanay sa “dock”, “cover”, and “hold” upang maprotektahan ang sarili sa maaaring pagbagsak ng isang bagay.

--Ads--

Gayun na din sa paglikas patungo sa itinalagang evacuation center sa oras na maging ligtas na ang kapaligiran.

Kasunod nito ang ‘head counting’ upang matiyak naman ang kaligtasan ng mga kasamahan.

Nagpaalala rin sila na hindi dapat agaran ang pagbalik sa anumang gusali hangga’t hindi pa nakukumpirma ang kaligtasan sa lugar na ito.

Maliban pa riyan, patuloy din ang kanilang pagpapabuti sa contigency plans, katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno, para mas maging handa ang kanilang pagresponde sa oras ng lindol.

Samantala, ibinahagi naman ni Pagsolingan na maaaring magkaroon ng banta ng Tsunami kung ang pagyanig ay naganap malapit o sa mismong coastal area.

Aniya, mapapansin sa tubig-dagat ang hindi normal na paggalaw nito, tulad ng dumadagundong na tunog, kung kapag namumuo ang isang tsunami.

Kung nakita ang mga natural signs na ito ay inaabusihan ng kanilang ahensya na agad lumikas dahil mabilis ito mangyari.

Maliban pa riyan, may malaking banta rin sa mga naninirahan sa kabundukan o landslide prone areas.

Ayon kay Pagsolingan, mainam na maipasuri agad sa lokal na awtoridad ang pamamahay pagkatapos ng lindol upang matiyak na ligtas pa itong balikan.