DAGUPAN CITY- Tila hindi na makatulog ang mga OFW sa basnag Israel dahil sa takot na kanilang nararamdaman sa patuloy na sigalot sa pagitan ng Israel at Iran.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sheril Gutierrez, Bombo International News Correspondent sa Israel, inilarawan niya ang matinding tensyon at takot na nararanasan nila sa pagtindi ng tensyon ng dalawang bansa.

Aniya, kailangan nilang bumangon agad-agad sa oras na tumunog ang notification sa kanilang mga telepono, dahil mayroon lamang silang 10 hanggang 15 minuto upang makapunta sa pinakamalapit na bomb shelter.

--Ads--

Hindi rin niya maiwasang mag-panic sa tuwing tumutunog ang alarm, lalo na’t ramdam na ramdam nila ang kaba at takot sa bawat sandali.

Bagamat sa ngayon ay nasa ligtas silang kalagayan, inamin niyang hindi nila alam kung hanggang kailan ito magtatagal, at patuloy pa rin ang kanilang pangamba sa bawat araw na lumilipas.

Sa gitna ng lumalalang tensyon sa rehiyon, patuloy ang panawagan ng mga overseas Filipinos doon para sa kaligtasan, dasal, at suporta mula sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.